"Shoot! shoot! Foul yun eh!" yan ang sigaw ng mga ate ko nung kabataan namin habang nanonood ng Alaska bersus Ginebra! Grabe! Mas maalam pa sila sa mga reperi sa pag-tawag ng mga mali sa court. Kung kinakailangang paandarin ang generator kapag brown-out makapanood lang ng PBA game, bibili talaga silang dalawa ng gas para lang mapanoodang hinahangaang team sa basketball.
Hindi ko nakahiligan ang panonood ng basketball sa t.v pero kapag nasa mismong court ako, aba'y mapapatid ang mga ugat ng aking ngala-ngala sa kasisigaw sa mga players ng aking team. At kung kinakailangangang makipag-away ako sa maling scores ay gagawin ko para manalo lang kami.
Sa aking panonood ng basketball, napansin kong para pala itong buhay ng tao, para pala itong buhay ko.
Maaring maraming manlalaro sa loob ng court pero kapag nasa atin na ang bola, ito na ang time na gawin natin ang lahat na magagawa para makapunta sa ring natin at i-shoot ito.
May mga pagkakataong gusto nating tayo lang ang may hawak ng bola. Hala sige sugod! Andyan ang kalaban, hinaharangan ang bawat galaw. Andoon ang kasagpi habang sumisigaw ng "pasa!!" Akala natin kaya natin ang lahat. Pero hindi pala. Akala ko, kaya ko mag-isa, hindi pala.
May panahon na maganda ang laro, 3points, 2points- shoot lahat! Pero bakit ba bigla na lang may panahon na ang pangit ng laro. Maganda ang career, family, social, spiritual at love life. Ngunit dumadating iyong panahon na, nagsasabay-sabay ang kamalasan sa buhay. May career pero parang hindi sapat, may pamilya pero parang hindi mo maramdaman, may mga kaibigan pero lagi namang busy, at may boyfriend/girlfriend na nagbbreak dn naman.
Buti na lang sa basketball kapag medyo hindi na maganda ang laro, tumatawag ng time-out ang Coach. Sa totoog buhay, kapag hindi na natin kaya, tayo na mismo ang tumatawag ng time-out. Pero ang katotohanan, tinatawag na ng Diyos ang ating atensyon sapagkat alam Nya na ang lahat ng bagay na nangyayari ay ayon sa kanyang kalooban. Alam nya ang mga kalakasan at kahinaan ng bawat isa.
"Shoot! Shoot!". Sa susunod na magshoot ako ng bola, sisiguraduhin kong ito ay tama, sakto, at mas mabuti.